Friday, March 19, 2010

SR's Open Letter to the UP Student Community

BUKAS NA LIHAM SA MGA ISKOLAR NG BAYAN
HINGGIL SA PANGGIGIPIT AT PANUNUPIL NG BOR AT ADMINISTRASYONG PRESIDENT ROMAN LABAN SA OFFICE OF THE STUDENT REGENT

Opisina ng Rehente ng mga Mag-aaral
Unibersidad ng Pilipinas
March 8, 2010



Nagbabalik ang masalimuot na alaala at karanasan ng batas militar sa mga kasalukuyang pangyayari sa ating pinakamamahal na pamantasan.

Mula nang maitatag ang Office of the Student Regent (OSR) noong 1970, wala pang yugto sa kasaysayan ng ating Pamantasan kung saan nawalan ng kinatawan ang mga mag-aaral sa UP Board of Regents (BOR). Tanging sa loob ng isang dekada sa ilalim ng Batas Militar nilusaw ng diktadurya ang lahat ng mga institusyon at konseho ng mga mag-aaral, mga publikasyon at mga organisasyon sa loob ng pamantasan. Ngayong taon, matapos ang ilang dekada, Pebrero 25 nang ang BOR mismo ang tuluyang pumigil sa pag-upo sa kanilang pulong ang natatanging kinatawan ng mahigit 48,000 na mag-aaral ng Unibersidad ng Pilipinas.

Isang malaking kawalan at disbentahe sa libu-libong mag-aaral ng UP ang pagtatanggal ni President Emerlinda Roman at ng BOR sa ating Student Regent (SR). Tangan ang militanteng tradisyon ng institusyon, ang OSR ay inaasahang kumatawan at magsulong ng mga interes at paninindigan ng mga mag-aaral hinggil sa mga usapin ng pamantasan, hanggang sa mga usapin sa pambansang saklaw.

Sa kabila ng mahalagang papel ng OSR sa demokratikong pamamahala sa ating pamantasan, tayo ay tinanggalan ng representasyon sa BOR.

Malinaw sa atin ang dahilan: Alam natin na hindi ito simpleng usapin ng pagsunod sa mga panuntunan ng pamantasan, sa halip,

ito ay hakbangin upang magsulong ng makasarili at makauring interes ng iilan sa loob ng BOR.

Ngayon, hinubad na ng BOR ang kanyang maskara at inilantad ang sarili—hindi ito kailanman nagsilbi sa interes ng mga mag-aaral at iba’t ibang sektor ng pamantasan, pagka’t ito’y nilikha upang bigyang-wangis o bigyang-ilusyon lamang na may demokratikong pamamahala sa ating pamantasan.

Pebrero 17, 2010 noong makatanggap ang SR ng liham mula sa Secretary of the University and of the Board of Regents na si Dr. Lourdes E. Abadingo. Nakasaad rito na sa pulong umano ng BOR noong Enero 29, 2010, “the Board of Regents agreed that you should no longer be allowed to participate in its deliberations as Student Regent for your failure to comply with the qualifications to continue serving as Student Regent…The Chair, however, has instructed the undersigned to invite you as Observer in the meeting of the Board scheduled on 25 February 2010”.

Walang pagtatangging tinatanggap ng SR ang naging kahinaan nito na makapagpasa ng application for residency sa takdang panahon sa UP Los Baños, ngunit ito’y hindi mulat na paglabag sa mga panuntunan ng pamantasan.

Sa panahong iyon, mapagpasyang inuna ng SR ang paggampan sa kanyang mga tungkulin at gawain sa buwan ng Nobyembre at maagang bahagi ng Disyembre. Bumisita ang SR sa iba’t ibang mga yunit ng UP upang maglunsad ng konsultasyon, umupo sa mga dayalogo hinggil sa pagtataas ng mga bayarin sa mga laboratoryo, magsaliksik sa mga usaping nakasampa sa BOR, at magbigay ng mga pag-aaral sa mga kapwa Iskolar ng Bayan. Lalo na’t iyon ang kritikal na panahon ng deliberasyon ng badyet para sa mga State Colleges and Universities (SUCs), kabilang na ang UP na kumakaharap sa P2 bilyong kaltas sa badyet. Naging bahagi rin ang SR ng mga pamprobinsiya at pambansang aktibidad ng mga kabataan. Hindi rin ito nawala sa mga pambansang araw ng pagkilos ng mga kabataan at mamamayan para sa kanilang karapatan sa edukasyon at batayang serbisyong panlipunan.

Bukod rito, hindi na kailanman naging maluwag at ganap na malaya para sa SR ang pagluwas papuntang UPLB nang walang pangamba sa seguridad matapos makaranas ng red-tagging, sampu ng mga naging kasamahan nito sa Konseho ng Mag-aaral ng UPLB, UPLB Perspective at Samahan ng Kabataan para sa Bayan (SAKBAYAN), mga lehitimong estudyante, at miyembro ng kaguruan sa UPLB. ng Kasabay ng naging hayagang presensya ng mga militar sa UPLB campus, palagian at masaklaw rin ang pagpapakalat ng mga black propaganda sa UPLB campus, pinararatangan ang SR at mga kasamahan nito bilang mga terorista at kasapi ng CPP-NPA-NDFP—suliranin na matagal nang naiulat sa administrasyon ng UPLB ngunit hanggang sa kasalukuyan ay wala pang wastong tugon mula sa Chancellor nito na si Dr. Luis Rey Velasco.

Mariin nating pinabubulaanan ang ipinapalaganap ng administrasyon ni President Roman na ang mayor na dahilan sa pagtatanggal sa SR ay ang usapin ng bona fide status nito.

Kung ito nga ang mayor na dahilan, madali itong maresolba sa pamamagitan ng pag-rekomenda at pag-aapruba ng kanyang application for residency sa UPLB.



IBAYONG PANGGIGIPIT AT PANLILINLANG ANG DINANAS NG SR

Sa kasalukuyan, naisasandal ang administrasyon ni UPLB Chancellor Luis Rey Velasco sa hindi nito pantay na pagturing sa SR at sa iba pang estudyante ng UPLB. Malinaw na kaiba ang pinagdadaanang proseso ng SR sa karaniwang proseso ng late application for residency. Bago pa ang pagpupulong ng BOR noong Disyembre 18, 2009, gumawa na ang SR ng liham para sa application for residency sa payo ng College Secretary ng College of Arts and Sciences (CAS) sa UPLB. Matapos makuha ang endorsement ng Adviser, Department Chair at College Secretary, ipinadala ang mga dokumento sa Office of the Chancellor.

Buwan ang lumipas at hindi pa rin ito inaaprubahan sa kabila nang napag-alaman natin na noong Pebrero 3 at Pebrero 16, 2010, dalawang estudyante mula sa UPLB ang kagyat na nakakuha ng late residency sa mismong araw na iyon. Tanging endorsement lamang ng kanilang College Secretary ang kinailangan upang payagan ang mga ito na mag-enroll. ‘Di tulad ng dalawang nasabing estudyante, kahit na residency form lamang ay hindi ibinibigay sa SR, bagama’t may endorsement na ng College Secretary ang application for residency ng SR.

Sa regular na proseso ng late application for residency, hindi na kinakailangang umabot sa Office of the Chancellor ang nasabing application, kaya naman kagyat na humingi na rin ang SR ng aksyon mula sa Dekano ng CAS na si Dr. Asunsion Raymundo sapagkat ito ang may pangunahing jurisdiction upang magpasya sa application. Bilang aksyon, iniakyat muli nito ang mga dokumento ng SR sa Office of the Chancellor—prosesong hindi naman pinagdaanan ng mga estudyante ng UPLB o ng anumang UP unit na humingi rin ng late application for residency. Bagama’t maaaring umaksyon ang Dekano ng CAS at bagama’t sila mismo ang nagsabi na dalhin sa Office of the Chancellor ang application, ang naging tugon ng Dekano sa liham ng SR ay “since you had already elevated the matter to the level of the Chancellor, the decision/mandate now lies on him”.

Pinabubulaanan natin ang ipinapalaganap ng administrasyon ni President Roman sa kanilang mga opisyal na pahayag na iniatras ‘di umano ng SR ang application for residency nito noong Enero 12. Kahit kailan, hindi sumulat at nagpasa ang SR ng pormal na liham sa Office of the Chancellor na iniaatras nito ang application for residency, hindi kailanman ito sumulat ng pormal na liham na pinahihintulutan ang sino man na iatras ito sa kanyang ngalan. Patunay rito ang mga liham ni Chancellor Luis Rey Velasco sa SR noong Pebrero 18 at Marso 3 kung saan dine-deny nito ang pag-aapruba sa nasabing application.

Pinabubulaanan rin natin ang ipinapalaganap ng administrasyon ni President Roman na aktwal na pagfa-file ng Leave of Absence (LOA) ng SR. Sumulat ang abogado ng SR na si Atty. Julius Matibag sa Dekano ng CAS upang tunggaliin ang sinasabi ng UPLB na hindi maaaring mag-LOA ang SR dahil sa mga nakabinbin na kaso sa Student Disciplinary Tribunal (SDT) at may intensyon itong mag-file kung gayunman. Ipinagkamali ng Dekano ng CAS ang liham na ito sa aktwal na pagfa-file ng LOA. Ito ay mga impormasyon hindi wastong inilalathala ng administrasyon ni President Roman.

Mapagbalat-kayong nagdadahilan ang administrasyon ni President Roman na ang pagsunod sa panuntunan ang tanging dahilan kung bakit tinanggal ang SR sa BOR, samantalang malinaw na sila at si Chancellor Luis Rey Velasco mismo ang tunay na nagmamalabis, lumalabag, at nag-mamaniobra sa mga proseso ng pamantasan upang maging pabor sa kanila. Malakas ang loob ni Chancellor Luis Rey Velasco na sabihin na siya ay nagpapasiya batay sa “merits” at pantay umano ang pagturing niya sa kaso ng SR at ng iba pang estudyante ng UPLB, habang ang administrasyon niya mismo ang nanlinlang sa SR mula sa wastong proseso na dapat nitong pagdaanan. Mapagbalat-kayo nitong sinasabi na ang kaso ng SR ay kakaiba, ngunit ang malinaw na tanging kaibahan ni Charisse Bernadine Bañez sa iba pang estudyante ng UPLB ay siya ang tanging kinatawan ng mga mag-aaral sa pinakamataas na lupon nito at susi ang pusisyong upang ilantad ang pagmamalabis ng administrasyon ng UPLB. Mapagbalat-kayong nagdadahilan ang BOR na ang dahilan sa pagtatanggal sa SR ay ang “failure to comply with the qualifications to continue serving as Student Regent” habang “incapacity to enroll or file an LOA” at hindi “failure” ang nakalagay sa CRSRS. Malinaw na may kapasidad ang SR na mag-apply kundi lamang iniipit at inaabuso ni Chancellor Luis Rey Velasco ang discretion ng administrasyon nito.

Sa lahat ng ito, hindi maitatanggi na may panlilinlang, panlilito, at pagkukubli ng mga detalye sa bahagi ng UP administration upang ipagtanggol ang pagtatanggal sa SR.



PAGTANGGAL SA SR, SUSI SA PAGPAPATALSIK RIN SA PGH DIRECTOR

Ang pagkakapanalo ni Dr. Jose Gonzales bilang bagong direktor ng UP Philippine General Hospital (PGH) ay isa sa minsang mga pagkakataon na nagtagumpay ang mga sektoral na representasyon sa BOR—ang Student, Faculty at Staff Regents—at nanaig ang desisyon ng mga sektor ng Unibersidad. Ngunit malinaw na hindi ito mapahintulutan nina President Roman at ng Malacanang.

Sa araw ng Disyembre 18, 2009, alinsunod sa palagiang ini-invoke¬ ng administrasyon ni President Roman at kanyang Vice President for Legal Affairs na si Atty. Theodore Te na Section 13 (T) ng UP Charter “the Board of Regents has the power ‘to prescribe rules for its own government’” (na nangangahulugan na may kapasyahan ito sa mga usapin inihahapag rito) pinagbotohan ang mosyon ni President Roman na gawing observer lamang ang SR. Natalo ang kanyang mosyon, 5-4 (pabor sa OSR).

Kabilang sa mga pangyayari na hindi inilalathala ng administrasyon ni President Roman ay ang pagpayag nila mismo na lumahok sa nasabing botohan at hindi pagrehistro ng anumang pagtutol rito. Kahit sa usapin ng paglahok at pagboto ng SR, sila ay pumayag at walang bakas ng pagrerehistro ng anumang “objection” rito. Matapos silang matalo sa botohan para sa PGH Director, saka nila tumutol sa resolusyong sila mismo ang lumahok. Ibinabato ng administrasyon ni President Roman na hindi dapat bumoto ang SR sa nasabing usapin, simple lang ang kasagutan—hindi katulad ng mga Malacañang Appointees na ang tanging kinakatawan ay ang kanilang mga sarili (o di kaya’y ang naglagay sa kanila sa pusisyon),

kinakatawan ng SR hindi ang kanyang sarili ngunit ang pinakamalaking sektor sa Unibersidad ng Pilipinas—ang mga mag-aaral. Ang hindi pagboto ng SR ay hindi pagboto ng mga mag-aaral.



Sa kaparehas na araw, Disyembre 18, mapagpasyang boto ang ibinigay natin kay Dr. Jose Gonzales dahil, ‘di gaya ng mga kandidatong may basbas ng Malacañang, malinaw ang kaniyang paninindigan na ang batayang serbisyong pangkalusugan ay karapatan ng mamamayan at gayundin ang sa kanyang matibay na pagtindig laban sa pribatisasyon ng Philippine General Hospital. Si Dr. Gonzales ang napili ng BOR sa botong 6-5 (kabilang ang boto ni Sen. Mar Roxas at Cong. Cynthia Villar).

Hindi kailanman naipaliwanag ni President Roman at ng mga Malacañang Appointees kung bakit hindi nila gusto si Dr. Gonzales bilang bagong halal na direktor ng UP PGH. Matapos ang muntikan nang hindi pag-appoint at pagbibigay ng oath of office kay Dr. Gonzales sa maagang bahagi ng Enero, agad nilang sinubok na tanggalin ang PGH Director at ang SR sa pulong ng BOR noong Enero 29, 2010. Dahil sa malinaw na maniobra sa proseso, nagpasya ang apat na rehente—student, faculty, staff at alumni regents—na mag-walkout sa nasabing pulong. Sa kabila ng kawalan ng quorum o sapat na bilang upang magpasya, unilateral na tinanggal President Roman at ng mga Malacañang Appointees ang SR sa BOR.

Nagsampa na ng kaso ang SR laban sa UP Board of Regents sa Quezon City Regional Trial Court.



PAGKUKUBLI AT KATIWALIAN, KINAKANLONG NG ADMINISTRASYON NG PAMANTASAN

Isang taon nang ikinukubli ng adminstrasyon ni President Roman at ng mga Malacañang Appointees sa komunidad ng UP na lagpas isang taon nang expired ang mga termino ng appointments ng tatlong Malacañang Appointees na sina “Regents” Francis Chua, Nelia Gonzales at Abraham Sarmiento; isang katohohanang ikinubli at kailanman ay hindi binabanggit nina Pres. Roman sa tuwing nagtatanong ang BOR Chair kung may quorum ba sa mga pulong. Ang mga nasabing “Regents” ay hindi appointed bilang regular regents (na may tiyak na termino sa loob ng 2 taon) kundi bilang acting regents lamang, na sa ilalim ng Administrative Code of 1987, hindi maaaring lumampas ang termino ng isang taon—usapin na hindi masagot ng administrasyon ni President Roman at may pagtatangka pang lusutan sa pamamagitan ng pag-iiba ng pakahulugan sa “acting” sa “temporary”.

Sa pulong ng BOR noong Pebrero 25, 2010, maka-isang panig na tinanggal si Dr. Gonzales bilang PGH Director (nang wala pa ring paliwanag) at sa kabila ng paggigiit ng mga sektoral na representasyon sa BOR na magkonsulta, sa mosyon ni President Roman, maka-isang panig rin na inaprubahan ni President Roman at Malacañang Appointed “Regents” ang pagrerekomenda ng kanilang mga pangalan kay Gng. Gloria Macapagal-Arroyo para sa kanilang regular appointment.

Sa mga pangyayaring ito, lantad na sa atin ang tunay na katangian ng UP Board of Regents at kung kaninong interes ang pinagsisilbihan ng mga ito. Payag ang iilang makapangyarihang ito sa prosesong sila mismo ang lumikha hangga’t ito’y paborable sa kanilang pangkat. Minamalaki ang pagkukulang ng tumitindig laban sa komersyalisado at pribatisadong landas na tinatahak ng pamantasan habang minamaliit at ikinukubli ang panlilinlang ng mga kakatig nila sa pagtataas ng matrikula at iba pang bayarin at paglalako ng pamantasan sa pribadong interes.

Tinanggal sa Board of Regents ang Rehente na may tunay na mandato habang abot-langit na pinagtatakpan ang panlilinlang ng mga Rehente na ang tanging kinakatawan ay interes ng Malacañang sa pamantasan.



Hindi Board of Regents ang magdidikta sa pagtatanggal sa ating kinatawan. At ang sino mang magtangkang humati sa ating hanay ay walang ipinagkaiba sa kanila.

Hindi kinakatawan ng SR ang kanyang sarili. Ang bawat atake na tinatanggap nito ay hindi atake sa kanyang sarili kundi atake sa karapatan sa representasyon ng lahat ng mag-aaral ng Unibersidad ng Pilipinas.

Ang bawat bigwas na tinanggap nito ay bigwas sa ating karapatan sa edukasyon na pinagbayaran ng mga naunang mabubuting anak ng ating pamantasan. Ang laban ng OSR ay laban ng lahat ng mag-aaral ng pamantasan ng bayan.



Totoo at materyal ang tunggalian ng mga interes sa loob ng pamantasan. At tanging sa sama-samang pagkilos lamang tayo matagumpay na mananaig. Mananaig tayo hindi para sa ating mga sarili, kundi para sa interes at karapatan ng kabataan sa edukasyon at upang itaguyod ang tunay na demokratikong pamamahala sa pamantasang walang-imbot na nagsisilbi sa sambayanan.


Para sa mga mag-aaral at sa sambayanan,



CHARISSE BERNADINE I. BAÑEZ
UP Student Regent

No comments: