Tuesday, February 16, 2010

Ang Tunay na Paglilingkod ay Hindi Oportunismo

Nagwakas na rin ang Feb Fair. Ito'y natuloy sa pamamagitan ng walang humpay at tunay na paglilingkod ng dalawang tagapangulo ng pangkolehiyong konseho ng mag-aaral sa UP Los Baños - si G. Mark Flores ng Colehiyo ng Agham at Sining at Bb. Samantha Javier ng Kolehiyo ng Komunikasyong Pangkaunlaran.

Sa kanilang panunumpa bilang mga kinatawan ng mag-aaral sa pamantasan, sumumpa sila na hindi kailanman tatalikuran ang kanilang tungkulin at responsibilidad sa mga mag-aaral ng Unibersidad ng Pilipinas sa Los Baños - anuman ang mangyari.

Ang sumpang ito ay kanilang pinatunayan nang masuspinde ang Pampanatasang Konseho ng Mag-aaral (University Student Council) ng tatlumpung araw bilang isang pamigil na hakbangin laban sa pagsasagawa ng isang ilegal na aktibidad - ang gawing "Protest Fair" ang FebFair of 2010.

Sa hiling ng mga 30 organisasyon at ilan pang mag-aaral na gustong matuloy ang isang tunay na FebFair, pinulong nina Flores at Javier ang mga mag-aaral na ito upang pag-usapan ang mga maaaring legal na hakbangin upang matuloy ang Fair. Napagkasunduan ng 30 organisasyon na magpasa ng isang liham sa administrasyon na kagyat na ituloy ang FebFair. Ito ay pinayagan ng administrasyon at mismong sila ang umasikaso ng mga papeles at dokumento upang maging legal at tunay ang pagdaraos ng taunang aktibidad na inaabangan ng humigit-kumulang sampung libong mag-aaral ng Unibersidad ng Pilipinas Los Baños.

Ang hakbanging isinagawa nina Flores at Javier ay pagpapatunay na sila ay gumaganap sa kanilang tungkulin. Ngunit, para sa mga taga-suporta ng nasuspindeng USC na hindi kailanma'y tumupad sa kanilang tungkulin bilang tagapaglingkod ng mga mag-aaral. Makikita sa screenshot sa ibaba na sina Flores (CAS Chair) at Javier (CDC Chair) ay inakusahan ng pagiging oportunista. Ito ay isa lamang sa kanilang mga maling defense mechanism upang pagtakpan ang kanilang kakulangan laban sa mga mag-aaral.


Ngunit aking nais itanong, KAILAN PA NAGING OPORTUNISMO ANG TUNAY NA PAGLILINGKOD AT PAGSISILBI SA NASASAKUPAN NA NAAYON SA SINUMPAAN NG MGA TUNAY NA LIDER-ESTUDYANTE NA ITO?

Ayon sa Free Dictionary, ang oportunismo ay ang isang konsyus na kilos o paguugali ng isang tao na makakuha ng agarang bentahe sa mga pumapaloob na sitwasyon nang walang kinikilalang prinsipyo.

Sa aking pagkakakilala kina Mark Flores at Sam Javier, ang dalawang kabataang ito ay kabataang may panindigan at prinsipyo - paninindigan na magbigay ng prinsipyadong paglilingkod sa hanay ng mga mag-aaral na kanilang nasasakupan anuman ang mangyari, anuman ang ideyolohiya o apilyason. At kanila itong ipinakita noong maglunsad sila ng kagyat na aksyon upang maibigay ang kahilingan ng mga mag-aaral na maresolba at matuloy ang FebFair na tila pinabayaan ng USC.

Isa lamang itong pagpapatunay na hindi kailanman nagwawagi ang makasariling paglilingkod at patuloy na mangingibabaw ang pagsisilbi sa tunay na interes ng mga mag-aaral ng Unibersidad.

Ang mga paratang ni Bb. Corky Maranan sa kanyang wall post sa Facebook ay isang patunay kung anong klaseng mga lider sila - makasarili at depensibo. Kinikilala lang ang interes ng kakaunti, ang interes ng mga sumusuporta sa kanila at hindi ang interes ng buong hanay ng mga mag-aaral. Sa pamamagitan nito, inilatag nila ang planong siraan ang mga tunay na lider estudyante na kumakatawan sa tunay na interes ng kapwa nila mag-aaral.

Hindi katulad nina Mark Flores at Sam Javier. Sila ang mga lider na kinakailangan ng kabataan ngayon. Sila ang mga lider ng kabataan na hindi namimili ng apilyason o ideyolohiya. Sila ang mga lider na handang tumulong sa kabataan at mag-aaral.

Hindi kailanman magiging oportunismo ang tunay na pagsisilbi sa kapwa mag-aaral.

No comments: