Ako'y manggagawa. Nagsisikap upang mabigyan ng disenteng pamumuhay ang aking pamilya. Nagsisikap upang maiahon ang sarili sa hikahos na buhay at makatikim ng ginhawa. Ngunit patuloy akong pinapasakit ng kabi-kabilang pagtataas ng presyo ng mga pangunahing bilihin katulad ng bigas, asukal, tinapay, at iba pa, na sinasabayan naman ng hindi pagtugon sa panawagan ng mas mataas na sahod.
Ako'y manggagawa. Nagsisikap upang mapag-aral ang aking mga anak. Nagsisikap upang matupad ang mga pangarap. Ngunit patuloy rin akong pinapasakit ng tuloy-tuloy na pagtalikod ng pamahalaan sa responsibilidad nito sa edukasyon, na makikita sa kabi-kabilang budget cuts at tuition and other fees increases.
Ako'y manggagawa. Nagsisikap upang makarating sa ibang mga lugar na hindi ko pa nararating. Nagsisikap upang lalong makilala ang mundong aking ginagalawan. Ngunit patuloy rin akong pinapasakit ng kabi-kabilang pagtaas ng presyo ng gasolina at iba pang produktong petrolyo, mapagsamantalang oil companies, at hindi pagbasura sa Oil Deregulation Law.
Ako'y manggagawa. Naniniwala ako na panahon na upang magkaisa at kumilos laban sa puwersa ng mapagsamantalang kapitalista. Naniniwala ako na panahon na upang tayong lahat ay magpumiglas sa pagkakagapos ng mga pasakit na ito.
Ako'y manggagawa. Ang hukbong mapagpalaya ng bayan.
No comments:
Post a Comment